Pakikipagkaisa, Pagpapasakop, at Pagsunod-mga salitang napakalimit ihayag ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa pamamagitan man ng salita o kahit pa ng kanilang mga social media account. Higit sa lahat, ito ay patuloy na ibinubuhay, isinasakatuparan, at iniuukol sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia Ni Cristo.
Gaano ba ito kahalaga? Kaninong kalooban ang sinusunod ng mga kaanib sa Iglesia sa pakikipagkaisa, pagpapasakop, at pagsunod sa Pamamahala? Ano ang kinalaman nito sa kaugnayan sa Diyos at kay Cristo?
Ang isa sa mga banal na katuwiran kaya napakataas ng uri ng pagkilala ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa Pamamahala ay sapagkat ang Panginoong Diyos ang naglagay ng Pamamahala sa loob ng Iglesia.
Sa Colosas 1:25 ay ganito ang pinatutunayan ni Apostol Pablo:
“Na ako’y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios.”
Colosas 1:25
Itinuro ni Apostol Pablo, isa sa mga sinugo at namahala sa Iglesia Ni Cristo noong unang siglo sa dako ng Gentil, na ang Pamamahala ay mula sa Diyos. Ang Pamamahala ang binigyan ng karapatang magpahayag ng mga salita ng Diyos.
Sa 1 Juan 1:3 ay mababasa naman ang ganito:
“Ang aming nakita at narinig ang ipinapahayag namin sa inyo, upang magkaroon din kayo ng pakikipagkaisa sa amin. Ang pakikipagkaisa nating ito ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.”
1 Juan 1:3 Ang Bagong Tipan, Filipino Standard Version, Copyright 2009
Malinaw rin na mababasa sa Biblia na ang pakikipagkaisa sa Pamamahala ay pakikipagkaisa natin sa Ama at sa Kaniyang Anak na si Jesucristo. Kaya, ang hindi pakikipagkaisa sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia ay hindi pakikipagkaisa sa Diyos at kay Cristo.
Kung paanong napakahalaga ng pakikipagkaisa sa Pamamahala, napakahalaga rin ng pagpapasakop at pagsunod sa Pamamahala, sapagkat ang mga ito ay utos din ng Diyos at mababasa sa Biblia.
Sa Hebreo 13:17 ay pinatutunayan ng mga apostol ang ganito:
“Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila’y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila’y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila’y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.”
Hebreo 13:17 Magandang Balita Biblia, Copyright 2012
Ang pagpapasakop at pagsunod sa Pamamahala ay utos ng Diyos at tiniyak din sa Biblia na ito ay sa ikabubuti ng mga sumusunod at gumagawa nito.
Kaya, ang ginagawa ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na pakikipagkaisa, pagpapasakop, at pagsunod sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia ay pagsunod sa mga utos ng Diyos, pakikipagkaisa sa Panginoong Diyos at sa Panginoong Jesucristo, at sa ikabubuti ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo.
Kaya, mula pa sa panahon ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang Kapatid na Felix Manalo, hanggang sa panahon ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, ang Kapatid na Eduardo Manalo, ay hayag ito.
Ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo, sa pangunguna ng mga Ministro, Ministerial Workers, at mga maytungkulin sa Iglesia ay lubos na sumasampalataya at ibinubuhay ang mga katotohanang ito.
Sa pagsapit ng ika-12 taon ng matagumpay na Pamamahala ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, ay muli naming inihahayag at ipinangangako na kami’y mananatiling kaisa, napasasakop, at sumusunod sa kanilang pangunguna.
Purihin ang Diyos!